7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. 8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, 'Pumunta ka roon!' pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa niya iyon."
9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, "Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya."
10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.
Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda
11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, "Huwag ka nang umiyak." 14 Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, "Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!"
15 Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.
16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, "Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!"
17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.